25 December 2025
Calbayog City
National

Goitia: Pagtulak ni Pangulong Marcos sa Matapang na Reporma at Panibagong Pamumuno sa Gobyerno

SA panahong muling sinusubok ang tiwala ng publiko sa pamahalaan, hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na unahin ang mga repormang matagal nang ipinaglalaban ng taumbayan.

Kabilang dito ang anti dynasty bill, ang pagreporma sa party list system, ang paglikha ng Independent People’s Commission, at mas malinaw na akses ng publiko sa paggastos ng gobyerno.

Layon nitong ituwid ang mga kahinaang paulit ulit na nakikita sa ating pamahalaan at maglatag ng panibagong gobyerno na mas bukas, mas tapat, at mas nakatuon sa mamamayan.

Para kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ipinapakita ng mga hakbang na ito ang uri ng lideratong inuuna ang bayan bago ang pulitika.

“Ang pagpaprayoridad sa mga repormang ito ay paanyaya sa publiko na maniwala muli. Ipinapakita nitong handa ang Pangulo na ayusin ang matagal nang dapat ayusin.”

Isang Pangulong Handa sa Mas Mabigat na Daan

Matagal nang isyu ang political dynasty sa Pilipinas.

Madalas itong pinag-uusapan ngunit bihira itong umusad.

Sa paglalagay nito sa pangunahing agenda, malinaw ang pahayag ng Pangulo: panahon nang tugunan ang mismong ugat ng hindi pagkakapantay-pantay sa politika.

Sabi ni Goitia:

“Hindi nabubuo ang reporma kung walang tapang. Madaling umiwas, ngunit mas mahirap ang kumilos para sa bayan—at ito ang ginawa ng Pangulo.”

Pagpapanumbalik ng Tunay na Representasyon

Kasama rin sa direktiba ang pagreporma sa party list system.

Sa paglipas ng panahon, lumayo ang sistema sa intensyon nitong tulungan ang mga nasa laylayan.

Kaya’t mariing binigyang diin ni Goitia ang dapat na layunin nito:

“Ang party list ay para sa mga sektor na tunay na nangangailangan, hindi para sa sinumang nakalusot lang sa sistema.”

Ayon kay Goitia, ang pagkukumpuni sa sistemang ito ay mahalaga upang maibalik ang tiwala ng publiko at magkaroon ng mas patas na pulitika.

Mas Bukas na Pamahalaan, Mas Malakas na Tiwala

Binibigyang diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng transparency, lalo na sa paggastos ng gobyerno. Hakbang ito tungo sa pamamahala na hindi lamang nakikita kundi nauunawaan ng publiko.

Diin ni Goitia:

“Lumalaki ang tiwala kapag nakikita ng tao ang galaw ng pamahalaan. Hindi dapat misteryo ang serbisyong bayan.”

donna cargullo

Chief News Correspondent
A passionate Mom of Three Kids, A Hands-on Loving Wife to Junmar. A top caliber News Producer who worked previously from Different News Organizations based in Manila like Radyo Inquirer & RMN Manila. Currently one of the producers of BuenaMano Balita & at the same time the Chief Correspondent of IR Calbayog.