Nakakagulat na balita mula sa Amerika: dalawang klase ng tinatawag na “flesh-eating” threats ang kasalukuyang nagdudulot ng takot at pangamba sa publiko—ang nakamamatay na bakteryang Vibrio vulnificus at ang pambihirang flesh-eating parasite na tinatawag na New World Screwworm.
Sa Florida at iba pang coastal states, iniulat ng health officials ang mabilis na pagdami ng kaso ng Vibrio vulnificus—isang bacteria na puwedeng makuha mula sa kontaminadong seafood o paglangoy sa dagat na may sugat sa balat. Ayon sa ulat, umabot na sa 20 ang kaso ngayong taon sa Florida pa lang, at lima na ang nasawi. Kilala ang bacteria na ito sa sobrang bilis ng pag-atake: nagsisimula sa pamamaga at blisters, pero puwedeng mauwi agad sa necrotizing fasciitis, o pagkabulok ng laman sa loob lang ng ilang oras.
Kasabay nito, naitala rin ang unang kaso ng New World Screwworm sa isang pasyente mula Maryland na galing sa El Salvador. Ang parasite na ito ay mula sa itlog ng langaw na pumapasok sa sugat at kinakain ang mismong buhay na laman ng tao. Ito ang unang human case sa U.S. sa loob ng maraming dekada.
Bagama’t tiniyak ng mga eksperto na mababa ang risk ng screwworm sa publiko, pinalakas na ang aksyon ng gobyerno para pigilan ang pagkalat—kabilang ang paggawa ng sterile-fly facility sa Texas.
Ano ang dapat bantayan?
- Huwag lumangoy sa dagat kung may sugat o sugat na hindi pa gumagaling.
- Iwasan ang pagkain ng hilaw na shellfish, lalo na ang talaba.
- Agad na magpatingin sa doktor kapag nakaranas ng kakaibang pamamaga, lagnat, o sugat matapos mag-swimming o kumain ng seafood.
Ang parehong kaso ay nagpapaalala na ang mga nakatagong panganib sa dagat at kalikasan ay puwedeng magdulot ng trahedya—at isang maling akala lang, puwede nang maging life-or-death situation.