APRUBADO na ng Bicameral Conference Committee at inadopt ang report sa disagreeing provisions ng General Appropriations Bill (GAB), kung saan nakabalangkas ang 6.793 Trillion Pesos National Budget para sa 2026.
Nilagdaan ng mga mambabatas mula sa Senado at Kamara ang GAB sa Philippine International Convention Center (PICC), kung saan isinagawa ang marathon deliberations.
Inilarawan ni House Committee on Appropriations Chairperson Mikaela Suansing ang proposed spending plan bilang “People-Centered Budget,” kasabay ng pagbibigay diin sa transparency at accountability sa Budget process.
Samantala, pinasalamatan naman ni Senate Committee on Finance Chairperson Sherwin Gatchalian ang mga mambabatas mula sa dalawang kapulungan sa kanilang kooperasyon sa pagsasapinal ng Budget.
Binigyang diin ni Gatchalian ang malalaking alokasyon para sa edukasyon, kalusugan, at agrikultura na aniya ay mahalaga sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Ang nilagdaang BICAM report ay raratipikahan ng Senado at Kamara ngayong Lunes, at saka ipadadala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para lagdaan.




