IKINU-KONSIDERA ng Department of Health (DOH) ang epekto ng “mukbang videos” sa mental health ng mga viewer, pati na rin ang panganib sa kalusugan ng publiko, bilang bahagi ng kanilang isinasagawang pag-aaral para sa posibleng pag-regulate ng naturang video.
Sinabi ni DOH Spokesperson Albert Domingo na batay sa preliminary research ng ahensya, posibleng natutugunan ng mukbang videos ang kalungkutan ng ibang viewers subalit nahihikayat din sila na i-adopt ang unhealthy eating habits.
Una nang nagbabala si Health Secretary Ted Herbosa sa publiko laban sa mukbang trend makaraang isang food content creator ang nasawi noong nakaraang buwan bunsod ng hemorrhagic stroke.
Ang huling video na naidokumento nito ay ang paglantak sa fried chicken at kanin.
Nilinaw ni Domingo na hindi naman iba-ban agad ang mukbang videos, sa pagsasabing kailangan pang pag-aralan ang iba’t ibang factors habang nirerespeto ang free speech ng mga content creator.