IIMBESTIGAHAN ng Department of Justice (DOJ) ang notary public na nag-notaryo sa counter-affidavit ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, kahit hindi personal na nanumpa ang dating alkalde sa abogado.
Sinabi ni Justice Spokesperson Mico Clavano, na mayroong gagawin ang ahensya kaugnay ng notarial authority ni Atty. Elmer Galicia, dahil posibleng na-misuse o inabuso nito ang kapangyarihan bilang notary public.
Idinagdag ni Clavano na hindi tama ang ginawang proseso ni Galicia, at hindi pa nga aniya sigurado ang abogado kung si Guo nga ang nakaharap nito.
Sa hearing sa senado kahapon, kinastigo ng mga senador si Galicia dahil sa lapses nito sa pag-notarize ng counter-affidavit ni Guo sa opisina nito sa San Jose Del Monte sa Bulacan.
Na-notaryo ang dokumento noong Aug. 14, sa panahong nakalabas na sa Pilipinas ang pinatalsik na alkalde.