KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) na mayroong dalawang crew ng MV Eternity C ang nasawi matapos ang pag-atake ng Houthi Rebels sa Red Sea.
Ayon kay DMW Sec. Hans Leo Cacdac, dalawampu’t isang crew ng nasabing barko ay pawang Pinoy, pero hindi pa kinukumpirma ng DMW at ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung ano ang nationality ng dalawang crew na nasawi at hindi rin nagbigay ng eksaktong bilang kung ilan pa ang nawawalang crew.
Pero ayon kay Cacdac, mayroon nang limang Filipino seafarers kabilang ang kapitan ng barko ang ligtas na at nasa maayos nang kondisyon at sa sandaling makausap na ng mga otoridad ang mga ito ay mas magkakaroon ng linaw ng impormasyon patungkol sa dalawang nasawi sa mga nawawala pa.
Patuloy naman ang Search and Rescue Operations sa iba pang nawawalang crew.
Sa impormasyong nakarating sa DFA, sinabi ni Undersecretary Eduardo De Vega na lumubog ang MV Eternity C bunsod ng pag-atake ng mga rebelde.




