UMAKYAT na sa labintatlo ang bilang ng mga napaulat na nasawi sa panalasa ng mga Bagyong Nika, Ofel, at Pepito, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Lima sa mga napaulat na nasawi ang na-validate na habang ang mga natitira ay isinasailalim pa sa beripikasyon.
Tatlong indibidwal naman ang napaulat na nawawala.
4.2 million individuals o 1.1 million families ang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo mula sa tatlumpu’t siyam na probinsya, na nagresulta sa paglikas ng 167,798 na katao.
Sa tala ng NDRRMC, nag-iwan din ang tatlong bagyo ng 2.8 billion pesos na halaga ng pinsala sa imprastraktura habang 784 million pesos sa agrikultura.
Sa kasalukuyan, tatlumpu’t limang lungsod at munisipalidad na ang nagdeklara ng state of calamity bunsod ng mga Bagyong Nika, Ofel, at Pepito.