HINILING ng Department of Agriculture sa Bureau of Customs na i-release ang 580 tons ng smuggled frozen mackerel sa Department of Social Welfare and Development matapos matiyak na ligtas kainin ang mga isda.
Sa liham kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, binigyang diin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang findings ng National Fisheries Laboratory Division ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagkumpirmang walang senyales ng spoilage o contamination ang mga kinumpiskang mackerel.
Dahil dito, sinabi ni Laurel na dapat i-release agad ang fish products at maaring gamitin upang matugunan ang pangangailangan sa food security, lalo na sa relief operations.
Idinagdag ng kalihim na ang magkatuwang na hakbang na ito ng DSWD at Department of Agriculture ay mapakikinabangan ng mga biktima ng mga nagdaang bagyo.
Kinumpiska ang dalawampu’t isang vans ng frozen mackerel sa Manila International Container Port dahil sa kawalan ng sanitary at phytosanitary import clearances.