WALANG naging paglabag si Dating DPWH Sec. Manuel Bonoan sa polisiya ng Bureau of Immigration kahit na-delay ng isang buwan ang pagbabalik nito sa bansa.
December 17 pa dapat ang pangako ni Bonoan na uuwi siya sa bansa matapos siyang bumiyahe patungong Estados Unidos pero kahapon, January 18 lamang ito nakabalik ng Pilipinas.
Sa isang panayam, sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na nasa ilalim lamang ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) si Bonoan at wala namang Hold Departure Order laban dito kaya sa panig ng BI wala naman itong nalabag sa hindi niya agad pagbalik ng bansa.
Matapos makabalik ng bansa si Bonoan, sinabi ni Sandoval na dahil nasa ilalim siya ng ILBO ay patuloy na babantayan ng BI ang kaniyang mga kilos partikular ang kaniyang mga pagbiyahe.
Sa ilalim ng ILBO, kapag namataan si Bonoan saanmang port of entry o exit sa bansa ay kailangang ipag-bigay alam ito ng ahensya sa Department of Justice.




