HINILING ng kampo ni Direk Darryl Yap sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) na i-consolidate o pag-isahin na lamang ang mga kaso na isinampa laban sa kanya dahil sa teaser para sa pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Si Yap ay respondent sa Petition for a Writ of Habeas Data na inihain ng Actor-TV Host na si Vic Sotto sa Muntinlupa RTC Branch 205.
Kalaunan ay naghain si Sotto ng 19 counts ng Cyberlibel laban sa direktor sa Office of the Prosecutor sa Muntinlupa.
Bukod sa pag-consolidate sa mga kaso, humirit din ang kampo ni Yap sa korte na kanselahin ang hearing sa Jan. 15 para sa petisyon sa pag-i-isyu ng writ.
Kasunod ito ng hiling ni Sotto sa korte na atasan si Yap na alisin at i-take down ang lahat ng promotional materials, teaser video, at iba pang content na may kaugnayan sa pelikula, na naglalarawan sa personal information ng aktor.
Sa teaser ng pelikula na inilabas noong Jan. 1, binanggit ang pangalan ni Sotto at inakusahan ito ng rape.