INAMIN ng opisina ni Vice President Sara Duterte na nagkamali sila sa pag-upload ng statement kung saan hinimok ng bise presidente ang publiko na pagtibayin ang diwa ng EDSA People Power Revolution, na kanilang binura, ilang oras matapos itong i-post noong linggo.
Kinumpirma ng OVP na dinelete nila ang mensahe ni VP Sara, para sa 38th anniversary ng 1986 EDSA People Power Revolution, na nagkamaling i-post ng kanilang social media team.
Walang naging paliwanag sa naging pagbura sa mensahe na nai-post sa social media pages ng Office of the Vice President.
Ang pag-post at biglang pagbura ng statement ng OVP na kumikilala sa mga nakipaglaban para sa demokrasya sa EDSA, ay naging mitsa para sa ilang hyperpartisan vloggers na gamitin ang content para bigyang diin ang umano’y lumalalim na lamat sa relasyon sa pagitan nina VP Sara at Pangulong Bongbong Marcos.