NAKAPAGTALA ang Eastern Visayas ng dalawampu’t siyam na Fireworks-Related Injuries (FWRI) sa nakalipas na pagsalubong sa bagong taon, ayon sa Department of Health.
Sinabi ni DOH-8 Regional Information Officer Jelyn Lopez-Malibago, na sa kabila ng 383 percent na pagtaas ng FWRI cases kumpara sa anim lamang na kaso noong nakaraang taon, walang major injuries na naitala sa nakalipas na pasko at pagsalubong sa bagong taon.
Aniya, inaasahan na rin nila ang pagtaas ng bilang ng mga naputukan dahil ito ang unang taon ng post-pandemic kung saan aktibong nagdiwang ang mga komunidad.
Karamihan ng mga biktima ay nagtamo ng burn injuries mula sa sinindihang mga paputok o pailaw, gaya ng kwitis, fountain, five star, at boga.
Mula sa dalawampu’t siyam na biktima na naitala simula Dec. 21, 2023 hanggang Jan. 3, 2024, labindalawa ang mula sa Leyte, anim sa Eastern Samar, anim din sa Samar, dalawa sa Biliran, isa sa Southern Leyte, at dalawa sa Northen Samar.