INANUNSYO ni Public Works Secretary Vince Dizon na ipatitigil muna niya ang lahat ng Bidding para sa Locally Funded Projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa gitna ito ng isinasagawang imbestigasyon sa umano’y maanomalyang Flood-Control Projects sa buong bansa.
Sa Press Conference, kanina, binigyang diin ni Dizon na saklaw ng kanyang kautusan ang National, Regional, at District Offices.
Paliwanag ng kalihim, ito ay para mabigyan sila ng panahon upang ma-review ang mga umiiral na proyekto at malinis ang ahensya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Dizon na batay na rin sa salitang ginamit ng Pangulo, ayaw na nitong maitapon muli ang pera ng taumbayan at mga proyekto sa ilog.
Nilinaw naman ni DPWH Secretary Vince Dizon na magpapatuloy ang mga Foreign-Assisted Project sa bansa.
Ipinaliwanag ni Dizon na kumpiyansa sila dahil binabantayan ng kanilang Advisors at Foreign Funders ang mga proyekto.
Samantala, hiniling ng kalihim sa Department of Justice (DOJ) na mag-isyu ng Immigration Lookout Bulletin sa mga indibidwal na umano’y sangkot sa mga anomalya sa Flood Control Projects.
Kabilang sa mga pangalang binanggit ni Dizon ay si Assistant Regional Director Henry Alcantara at mag-asawang contractors na sina Curlee at Sara Discaya.




