LUMOBO na sa animnapu’t siyam ang bilang ng mga nasawi sa Magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Cebu, noong Martes ng gabi.
Sa Public Briefing, sinabi ni Office of Civil Defence (OCD) Officer-in-Charge Bernardo Alejandro na karamihan sa mga nasawi ay mula sa Bogo City na nasa tatlumpu.
Ang iba pa ay mula sa Medellin, 10; San Remegio, 22; Sogod, isa; Tabuelan, isa; at Tobogon, lima.
Sinabi ni Alejandro na isasailalim pa sa Validation ang mga iniulat na nasawi na karamihan ay nabagsakan o nadaganan ng Debris.
Batay naman sa datos ng Joint Operation Center sa Bogo city, umabot na sa 186 ang nasugatan dahil sa lindol.
Mayroon ding dalawampu’t tatlong sugatan, kabilang ang pitong bata na dinala sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City.
Isinailalim na rin ang Cebu sa State of Calamity dahil sa lawak ng pinsala ng malakas na lindol.




