MALABONG mapagbigyan ng Senate Impeachment Court sakaling hihirit ang Prosecution Panel na magtakda ng Pre-Trial at Trial Date para sa Impeachment Case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang ipinaliwanag ni Senate President Chiz Escudero bilang Presiding Officer ng Impeachment Court.
Ayon kay Escudero, magtatapos na sa June 30 ang awtorisasyon o kapangyarihan ng mga kongresista bilang prosecutor at kinakailangang bigyan ng bagong kapangyarihan ang tatayong Prosecution Panel sa ilalim ng 20th Congress na dapat gawin sa Open Session.
Binigyang-diin pa ng senate leader na kailangan ding tugunan ng Prosecution Panel ang atas ng Impeachment Court na magsumite ng sertipikasyon na hindi labag sa One Year Bar Rule ang Complaint at interesado pa rin ang ang 20th Congress sa Impeachment Proceedings.
Samantala, nagsumite ang Kamara ng dalawang Pleadings sa Impeachment Court, kahapon, kabilang ang Manifestation with Re-Entry of Appearance at ang Attestation na hindi labag sa One year Bar ang isinumite nilang Impeachment Complaint sa Senado.
Mayroon namang hanggang Lunes ng tanghali ang Prosecution Panel upang magsumite ng kanilang reply sa naging sagot ni Vice President Sara Duterte sa Impeachment Complaint laban sa kanya.