SINUSPINDE ng Office of the Ombudsman si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at dalawang iba pang opisyal ng hanggang anim na buwan.
Kasunod ito ng pagsasampa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng Graft Charges laban kay Guo bunsod ng umano’y pagkakaugnay nito sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa kanyang lokalidad.
Sinabi ni DILG Undersecretary Juan Victor Llamas na inihain ang kaso sa Ombudsman noong May 24, na nag-ugat sa pag-iisyu ng permit sa Hongsheng Gaming Technology Inc.
Ito ay sa kabila ng kabiguan ng kumpanya na makumpleto ang requirements at expired na ang lisensya nito mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
March 13 nang salakayin ng mga otoridad ang sampung ektaryang compound na ino-operate ng Zun Yuan Technology Inc., kung saan nadiskubre ang iba’t ibang kagamitan na iniuugnay sa POGO operations at mahigit animnaraang Pilipino at mga dayuhan ang nailigtas.