WALONG pulis mula sa District Special Operations Unit (DSOU) ng Eastern Police District (EPD) ang nahaharap sa patong-patong na asunto matapos umanong iligal na arestuhin ang isang Chinese Businessman sa Las Piñas City.
Gayunman, kinumpirma ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Spokesperson Police Major Hazel Asilo, na nananatiling at-large ang DSOU chief, at inaasahang mahaharap din sa reklamo.
Sinabi ni Asilo na wala pang impormasyon kung nag-report o nagpunta na ang DSOU chief sa EPD habang nakasailalim na sa restrictive custody ang walong pulis.
Matapos sumailalim sa medical examination, agad isinalang sa inquest proceedings ang mga suspek sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.
Samantala, kinumpirma rin ng NCRPO na ang inarestong negosyante ay hindi ang indibidwal na tinutukoy sa warrant, bagaman kapangalan nito ang dapat na aarestuhin.