PINANGUNAHAN ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagsira sa P5.32 billion na halaga ng illegal na droga.
Isinagawa ang seremonya sa Integrated Waste Management, Inc. (IWMI), sa Barangay Aguado, Trece Martires City, Cavite.
Dumalo sa aktibidad si Secretary Oscar Valenzuela, Chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB) kasama ang ibang mga opisyal ng PDEA, PNP, DOJ at DILG.
Mahigit 2,227 kilograms ng solid illegal drugs, at mahigit 3,447 milliliters ng liquid illegal drugs ang sinira sa pamamagitan ng thermal decomposition o thermolysis.
Kabilang sa winasak ang 738 kilograms ng shabu; 1,478 kilograms ng marijuana; 4 kilograms ng ecstasy; 39 grams ng cocaine; iba pang illegal substance; at iba’t ibang uri ng surrendered expired medicines
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, ang mga sinirang ilegal na droga ay kabilang sa mga drug evidence na nakumpiska sa Anti-Drug Operations ng ahensya at iba pang Counterpart Law Enforcement Agencies.