22 November 2024
Calbayog City
Local

Serbisyo Fair sa Calbayog pinuri ni House Speaker Romualdez; nasa 43K beneficiaries ang inaasahang makikinabang sa Serbisyo Caravan

serbisyo fair

Ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair-Samar na ginanap sa Calbayog ay isa sa pinakamaganda at pinakamaayos na serbisyo caravan.

Ito ang naging pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa opening program ng nasabing serbisyo caravan na idinaos sa Northwest Samar State University ngayong umaga.

“Napakaayos ng paghahanda ninyo dito,” sabi ni Speaker Romualdez.

Ang serbisyo caravan sa Calbayog ang pinakahuling pagpapatupad ng nasabing programa sa taong ito. Dalawang araw ang inilaan para sa serbisyo caravan na may layuning ipaabot ang iba’t ibang serbisyo sa mga tao at mamahagi ng tulong pinansyal na akma sa pangangailangan ng bawat isa.

Ayon sa mga organizers, may 61 kongresista ang dumalo sa unang araw ng serbisyo caravan. Nagsidatingan din ang ilang mga regional officials at kinatawan ng piling ahensya ng pamahalaan.

Ipinaliwag ni Speaker Romualdez na obligasyon ng mga kongresista na malaman kung maayos at masaya ang mga tao sa mga programang pinopondohan ng House of Representatives.

Sinabi rin ni Speaker Romualdez na ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos alinsunod sa adhikaing ibaba ang mga programa ng gobyerno sa taong bayan.

Nagbigay naman ng maikling welcome remarks si City Mayor Raymund C. Uy. Pinasalamatan niya si Pangulong Ferdinand Marcos at Speaker Romualdez sa pagdadala ng serbisyo fair sa Samar.

Nagsalita rin sina Governor Sharee Ann Tan at Samar 1st District Representative Stephen James Tan. Sinabi ni Governor Tan na may 43,000 beneficiaries ang makikinabang sa nasabing dalawang araw na serbisyo caravan.

“Ang administrasyon na ito ang nakakaramdam-ang may puso-sa ating mga pangangailangan,” sabi ni Governor Tan.

Pinasalamatan naman ni Congressman Tan si Speaker Romualdez sa ipinakita nitong pagmamahal sa Samar, lalo na sa kanyang pagsusumikap na mapondohan at maitayo ang Samar Island Medical Center.

Nagkaroon din ng ceremonial turnover ng mga programa ng gobyerno at mga grants sa mga benepisyaryo ng Bagong Pilipinas.

ricky
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).