DALAWANG rebelde, kabilang ang isang mataas na leader ng New People’s Army (NPA) ang nasawi, makaraang makasagupa ang tropa ng pamahalaan sa bulubunduking bahagi ng Barangay Sulitan sa Catubig, Northern Samar.
Kinilala ng 8th Infantry Division ng Philippine Army ang mga nasawi na sina alyas Baste, platoon at squad leader ng front 15 Sub-Regional Committee Arctic; at alyas Jino, miyembro ng squad 2 ng Regional Guerilla Unit ng Eastern Visayas Regional Party Committee ng NPA.
Narekober din ng militar sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang M16 rifle, apat na .45-caliber magazines, mga subersibong dokumento, at personal na kagamitan.
Nangyari ang bakbakan makaraang rumesponde ang mga sundalo sa sumbong ng mga sibilyan na mayroong mga miyembro ng npa na nangingikil ng pera at tinatakot ang mga magsasaka sa lugar. Tumagal ng pitong minuto ang sagupaan bago umatras ang mga rebelde at iniwan ang dalawang nasawing miyembro.