SAMPUNG dating rebelde mula sa San Jose De Buan ang tumanggap ng kani-kanilang bahay mula sa Samar Provincial Task Force Ending Local Communist Armed Conflict.
Ang pag-turnover ng kabahayan ay una lamang sa labimpitong mga bahay na ipinangako sa mga dating rebelde, sa serye ng local peace engagements.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Samar Governor Sharee Ann Tan na patunay ito na sinsero ang gobyerno sa hakbang na tapusin na ang insurhensiya.
Kasabay nito ay ang panawagan ng gobernador sa mga hindi pa sumusuko na magbalik loob na sa pamahalaan dahil nakahanda na ang iba’t ibang programa na inilaan para sa kanila.
Sa ginanap na seremonya, nangako si Senador Robin Padilla na magdo-donate ito mula sa sarili niyang bulsa para sa pagtatayo ng isang bahay.
Nagbigay din ang tanggapan ng senador ng construction materials sa unang bugso ng konstruksyon ng naturang pabahay.