NASA isandaan limampung pamilya sa tatlong munisipalidad sa Lalawigan ng Samar ang magkakaroon ng sanitary toilet facilities.
Ang proyekto para sa abot-kayang “Climate-Resilient Toilets” ay pinasimulan ng Provincial Government kasama ang partners na microfinance institutions at suportado ng United Nations Children’s Fund.
Sinabi ni Samar Governor Sharee Ann Tan na isa ang lalawigan sa pinakamahirap sa bansa, kaya namuhunan ang mga partner institutions sa naturang proyekto upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mahihirap na pamilya sa mga bayan ng Basey, Jiabong at Paranas.
Ipinaliwanag ni Tan na ang pagkakaroon ng climate-resilient sanitation ay isa sa mga hakbang na kanilang ginagawa upang mabawasan ang panganib at epekto na may kinalaman sa climate change.