KINUMPIRMA ni Rodriguez, Rizal Mayor Ronnie Evangelista, na isang bangkay na ang natagpuan sa pagguho na naganap sa landfill sa Rodriguez, Rizal.
Ayon sa alkalde, patuloy ang paghahanap sa dalawa pang nawawala.
Itinanggi naman ni Evangelista ang mga naunang napaulat na limampu o higit pa ang natabunan sa pagguho ng basura.
Nilinaw din ng mayor na hindi ang LGU ang nagpapatakbo ng landfill kundi isang pribadong kumpanya. Karamihan din aniya ng mga nangangalakal at nagtatrabaho doon ay mga galing sa Payatas sa Quezon City.
Sa kabila nito ay tiniyak ni Evangelista ang suporta ng LGU para sa nagpapatuloy na paghahanap sa dalawa pang nawawala.
Nanawagan din siya sa Department of Environment and Natural Resources na alamin kung mayroong mga paglabag ang operator ng landfill.




