SINALAKAY ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration ang isang Philippine Offshore Gaming Operator o POGO hub sa isang residential condo sa Makati City.
Ayon sa NBI, ikinasa ang operasyon sa bisa ng mission order mula sa BI at sinalakay ang isang residential condominium sa Estrella Street.
Ito ay matapos ang ulat na doon namamalagi ang isang puganteng South Korean.
Pagdating sa unit, nadatnan ang anim na dayuhan na nahuli umanong nagsasagawa ng game-fixing at online scamming operations.
Nakita rin sa sinalakay na unit ang iba’t ibang gamit gaya ng walong personal computers, mobile devices, at mga OTP generators.
Ang anim na dayuhan ay mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Pogo Act of 2025, Securities Regulation Code, at Anti-Financial Account Scamming Act.




