NAGHAHANDA na ang mga progresibo at civil society groups para sa paghahain ng panibagong Impeachment Complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Bayan Chairperson Teddy Casiño, ito ay kapag nag-expire na ang one-year ban sa pagsasampa ng Impeachment laban kay Duterte sa Pebrero.
Ito rin aniya ay sa sandaling magpasya ang Supreme Court laban sa nakabinbing apela na baliktarin ang desisyon nito na ipawalang bisa ang Articles of Impeachment laban kay VP Sara na inihain ng kamara sa senado noong Feb. 5.
Sinabi ni Casiño na kabilang pa rin sa grounds para sa Impeachment Complaint na plano nilang ihain laban kay Duterte ang “Betrayal of Public Trust” bunsod ng umano’y maling paggamit ng Confidential Funds.




