DAPAT nang mag-move forward ang bansa dahil mayroong posibilidad na hindi na makababalik sa Pilipinas si Dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong arestuhin.
Pahayag ito ni Vice President Sara Duterte sa press conference, nang tanungin ito sa nararamdaman niya kay National Security Adviser Eduardo Año, nang agad arestuhin ang kanyang ama pagbalik sa Pilipinas mula sa Hong Kong noong nakaraang linggo.
Sinabi ng Bise Presidente, na wala siyang anumang nararamdaman, dahil para sa kanya ay wala nang saysay na magtanim ng galit sa nangyari, sapagkat hindi na maiuuwi sa bansa ang dating pangulo.
Sa kabila naman ng kawalan ng hakbang mula sa mga awtoridad sa Pilipinas na maiuwi ang kanyang ama, tiniyak ni VP Sara na ipagpapatuloy ng kanilang kampo ang paghahanap ng mga paraan para maibalik sa Pilipinas ang dating lider.
Una nang itinanggi ni Año na mayroon siyang kinalaman sa umano’y sabwatan na nagresulta sa pagdakip kay Dating Pangulong Duterte.