NAGLABAS ng Show Cause Order ang Land Transportation Office in Western Visayas (LTO-6) laban sa online vlogger na nagsagawa ng “superman” stunt sa public highway sakay ng motorsiklo.
Ang vlogger na nakilalang si Jimmy Lagunday Catarata ng Barangay San Isidro, Ibajay, Aklan ay nakita sa video na nakasakay ng motorsiklo at dumapa sa kaniyang motorsiklo habang nakasuot lamang ng brief at sando.
Ayon kay LTO-6 Regional Director Atty. Gaudioso P. Geduspan II ginawa ang stunt sa National Road sa Aklan at ang sangkot na rider ay walang driver’s license.
Sa ilalim ng Joint Administrative Order No. 2014-01, si Catarata ay pagmumultahin ng P3,000 sa pagmamaneho ng motorsiklo ng walang lisensya.
Sa inilabas na Show-Cause Order, binigyan si Catarata ng 5-araw para magpaliwanag.
Pinaalalahanan din ng LTO ang mga content creator na iwasan ang mga ganitong uri ng stunt para lamang makakuha ng atensyon sa social media.