Iniimbestigahan ng San Juan City Government ang mga reklamo laban sa ilang mga lumahok sa “basaan” o “wattah wattah” Festival noong Lunes.
Ayon sa Lokal na Pamahalaan, nangangalap na sila ng mga impormasyon hinggil sa nangyari sa nakalipas na Pista, na kinasasangkutan ng pagsasaboy ng tubig.
Humingi rin ng paumanhin ang San Juan LGU sa mga indibidwal na naperwisyo ng kanilang “basaan” bilang bahagi ng pagdiriwang sa Kapistahan ng kanilang Patron na si San Juan Bautista.
Una nang kumalat sa Social Media ang videos ng magulo at abusadong pagbabasa ng tubig ng ilang mga lumahok sa napadaang mga motorista, pasahero at rider ng motorsiklo, na ang iba ay papasok sa trabaho.