Nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility ang tropical depression “Gener.”
Huli itong namataan ng Pagasa kaninang 4:00 am, 410 km kanluran ng Bacnotan, La Union.
Samantala, patuloy namang kumikilos ang tropical storm “Helen” pakanluran hilagang kanluran sa ibabaw ng Philippine Sea.
Huling namataan ang sentro nito kaninang 4:00 am, 1,150 km silangan hilagang silangan ng extreme Northern Luzon.
Taglay ni Helen ang lakas ng hangin na aabot sa 85 km/h malapit sa gitna at pagbugso na hanggang 105 km/h.
Kumikilos ito sa bilis na 25 km/h.
Wala pang itinataas na tropical cyclone wind signals ang Pagasa para sa bagyong Helen.
Inaasahan ang malalakas na pag-ulan bunsod ng habagat na pinalalakas ng mga bagyong Gener at Helen.
Magdudulot din ang pinaigting na habagat ng malakas hanggang sa mabugsong hangin sa Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, at Davao Region.
Inaasahang lalabas ng PAR ang bagyong Helen mamayang hapon o gabi.