29 September 2025
Calbayog City
National

Transport Groups, nagkasa ng Tigil-Pasada; LTFRB handa sa Transport Strike 

TATLONG araw na Tigil-Pasada ang ikakasa ng Grupong MANIBELA ngayong linggo bilang protesta sa korapsyon sa pamahalaan. 

Ayon sa pahayag ng MANIBELA, ikakasa ang protesta sa September 17, 18 at 19.

Hindi tama ayon sa grupo na ang buwis ng mamamayan ang nagpapalamon at pumopondo sa karangyaan ng mga nasa pwesto, habang ang mga tsuper ay halos magdamag na kung bumiyahe kumita lang nang sapat para sa kanilang pamilya. 

Hindi katanggap-tanggap ayon sa MANIBELA na may mga nagpapakasasa habang marami ang sadlak sa kahirapan at sakunang dulot mismo ng pagnanakaw nila. 

Kaya naman sa darating na Miyerkules hanggang Byernes September 17,18, at 19 ay ikakasa ng MANIBELA ang tatlong araw na Tigil-Pasada.

Makikiisa din ang grupo sa pagkilos na isasagawa sa Linggo, September 21 sa Luneta upang makiisa sa panawagan para sa Accountability.

Samantala, magkakasa ng Nationwide Transport Strike ang Grupong Piston sa Huwebes, September 18 bilang protesta sa mga anomalya sa Flood Control Projects ng Department of Public Works and Highways. 

Ayon sa Piston, kaya ayaw tanggalin ng administrasyon ang VAT at Excise Tax sa langis dahil mababawasan ang pang-pondo sa mga Flood Control Ghost Projects.

Sinabi ng Piston na umaabot sa halos P13,000 kada buwan ang binabayad ng mga tsuper na buwis sa langis at P4,000 naman ang sa mga riders. 

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).