SINUSPINDE ng Department of Tourism (DOT) ang tourist activities sa ilang bahagi ng Negros Occidental at Negros Oriental na apektado ng pagsabog ng Kanlaon Volcano.
Sa advisory, sinabi ng ahensya na natanggap nila ang reports ng tourism stakeholders mula sa mga lugar na nakararanas ng matinding ashfall.
Kinabibilangan ito ng mga munisipalidad at lungsod, gaya sa La Castellana, La Carlota City, Bago City, at Murcia City, sa Negros Occidental at Canlaon City sa Negros Oriental.
Bilang precautionary measure, sinuspinde ng DOT ang trekking, swimming, farm site visits, at day tours sa mga nabanggit na lugar.
Pansamantalang isinara ang tourist attractions, malapit o sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone, kasunod ng pagputok ng bulkan noong Lunes.