14 November 2025
Calbayog City
National

Marahas na kilos protesta sa Maynila, kinondena ni Pangulong Marcos; 216 na sangkot sa riot, hawak ng MPD

KINONDENA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kilos protesta na humantong sa karahasan sa Maynila, noong Linggo.

Binigyang diin ni Palace Press Officer Undersecretary, Atty. Claire Castro, na mananagot ang mga sangkot sa ginawa nilang panggugulo.

Una nang iginiit ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) President Renato Reyes na walang kaugnayan sa kanila ang mga grupong nasa likod ng komosyon sa Mendiola.

Sa Initial Reports na natanggap ni Manila Mayor Isko Moreno, isang dating politiko at isang abogado ang umano’y nagpondo sa mga raliyista na nanggulo sa Recto Avenue.

Sinabi ni Moreno na ang mga nanggulong raliyista ay mula sa Taguig, Pasay, Parañaque, Caloocan, at Quezon City.

Naniniwala naman ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nais kopyahin ng grupo ng mga nagpasimula ng kaguluhan sa Recto Avenue sa Maynila ang mararahas na Kilos Protesta sa ibang bansa.

Ayon kay NCRPO Chief, Police Brig. Gen. Anthony Aberin, kabuuang isandaan at dalawa katao, kabilang ang mga menor de edad ang dinakip, kasunod ng kilos protesta noong Linggo na nauwi sa karahasan at ikinasira ng mga ari-arian.

Sinabi ni Aberin na may iniidolong rapper ang mga nanggulo na nag-udyok sa kanila na magtungo sa Rally at takpan ang kanilang mukha upang hindi sila makilala, sa katwirang “No face, no case.”

Inihayag ng NCRPO chief na nagsimulang maghagis ng Molotov Cocktails ang mga raliyista nang harangin sila ng mga pulis upang hindi makapasok sa Mendiola.

Pinaghahampas at binasag ng grupo ng mga kabataan ang Traffic Lights, sinilaban ang isang motorsiklo, at nanira ng ari-arian sa Lobby ng isang Hotel sa kahabaan ng Recto Avenue.

Samantala, nananatiling naka-full alert ang Manila Police District (MPD) at patuloy na mino-monitor ang mga lugar sa lungsod, kasunod ng sumiklab na kaguluhan sa kasagsagan ng Kilos Protesta laban sa katiwalian noong Linggo.

Ayon kay MPD Spokesperson Police Major Philip Ines, hindi pa nila ibinababa ang kanilang Alert Level, sa kabila ng kalmado na ang lugar at naitawid ng maayos ang Rally, maliban sa Isolated Cases na nangyari sa Ayala Bridge at Mendiola.

donna cargullo

Chief News Correspondent
A passionate Mom of Three Kids, A Hands-on Loving Wife to Junmar. A top caliber News Producer who worked previously from Different News Organizations based in Manila like Radyo Inquirer & RMN Manila. Currently one of the producers of BuenaMano Balita & at the same time the Chief Correspondent of IR Calbayog.