15 February 2025
Calbayog City
Province

Teen Center at ISDN, pinasinayaan sa Biliran

Pinasinayaan ang bagong Teen Center at Information Service Delivery Network o ISDN for Adolescents sa Almeria, Biliran bilang hakbang ng lokal na pamahalaan upang tugunan ang tumataas na kaso ng maagang pagbubuntis sa lugar.

Noong 2024, naitala ang mahigit 30 kaso ng adolescent pregnancy sa Almeria, mataas na bilang kung ihahambing sa kabuuang 3,571 kabataang edad 10-19, base sa 2020 Census of Population.

Matatagpuan ang Teen Center sa dating gusali ng Rural Health Unit (RHU) na muling inayos at nilagyan ng mga pasilidad para sa kabataan.

Bukod sa mga serbisyong pangkabataan, kabilang din sa bagong gusali ang pampublikong aklatan, recreational areas, computer lab, at multipurpose rooms na maaaring gamitin para sa iba’t ibang aktibidad.

Pinangunahan ni Almeria Mayor Richard Jaguros ang paglulunsad ng pasilidad, kasabay ng paglagda sa Partnership Agreement kasama ang mga ahensya at organisasyon na susuporta sa mga serbisyo ng Teen Center.

Ayon sa kanya, layunin ng proyekto na magbigay ng ligtas at makabuluhang espasyo para sa kabataan. “Ang bagong Teen Center ay hindi lamang pasilidad, kundi simbolo ng ating pangako na bigyan ng tamang suporta at oportunidad ang ating kabataan,” ani Jaguros.

Ang Teen Center ay nag-aalok ng counseling, skills training, values formation, employment services, at medical at dental health care. Bukod dito, bahagi rin ng programa ang reproductive health education na layuning bawasan ang bilang ng adolescent pregnancy sa Almeria.

Dagdag pa ng alkalde na ang proyekto ay isa lamang sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang paigtingin ang suporta sa sektor ng kabataan. Sa tulong ng mga katuwang na ahensya, umaasa silang magiging matagumpay ang layunin ng Teen Center na gabayan ang kabataan tungo sa mas maayos at makulay na hinaharap.

Sa pagbubukas ng pasilidad, inaasahang mapapalakas ang kampanya laban sa mga mapanganib na gawi ng kabataan habang nagbibigay ng mga oportunidad para sa kanilang personal na pag-unlad.

jm somino

Editor
JM Somino is a news contributor who writes both straight news and pieces focused on travel and inspiration. With experience in leadership and teaching, he manages the JM Travel & Inspiration social media accounts, where he shares content that motivates and encourages others