NASA kustodiya na ng pulisya ang dalawa katao na itinuturing na “Missing Links” sa kaso ng mga nawawalang sabungero, ayon kay PNP Spokesperson, Police Brig. Gen. Jean Fajardo.
Kinilala ang mga ito bilang mga kapatid ng isa sa mga akusado at whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.
Sinabi ni Fajardo na dinakip ang dalawa mula sa isang bansa sa Southeast Asia at iniuwi sa Pilipinas noong July 22.
Isa sa mga inaresto ay nakuhanan sa CCTV footage na nagwi-withdraw ng pera gamit ang ATM card ng isa sa mga nawawalang sabungero habang ang isa pa ay ine-eskortan naman ang isa sa mga biktima nang isagawa ang umano’y pagdukot.
Dinakip ang dalawa bunsod ng Arrest Warrant sa kasong Robbery at paggamit ng ibang pangalan sa passport.
Idinagdag ng PNP na lehitimo ang pag-aresto dahil nakipag-ugnayan sila sa Bureau of Immigration kaugnay ng ikinasang operasyon.