PINATALSIK ng Nationalist People’s Coalition (NPC) si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo mula sa partido sa gitna ng mga reklamong isinampa laban sa kanya dahil sa pagkakadawit sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) Hub sa nasakupan niyang bayan.
Sa liham na inilabas kahapon, sinabi ni NPC Chairman Vicente “Tito” Sotto III na inatasan niya ang kanilang Secretary General na si Mark Llandro Mendoza na ipatupad ang kautusan at agad ipabatid kay Guo ang pagkakaalis sa kanya mula sa partido.
Ang pag-alis kay Guo sa NPC ay tugon sa petisyon ni Tarlac Governor Susan Yap na inihain nito noong June 17.
Ang ideya naman na patalsikin ang suspendidong alkalde ay unang isinulong ng kapwa NPC Member na si Senador Sherwin Gatchalian.
Noong Biyernes ay inihain na ng mga awtoridad ang reklamong Human Trafficking laban kay Guo bunsod ng umano’y pagkakaugnay nito sa Illegal POGO Hub sa Bamban.