GAWA-gawa lang ng mga kapitbahay ang kwentong pinasok ng armadong lalaki ang bahay ng grade 7 student na babae at binaril ito habang sumasagot ng school module, sa Cebu.
Ayon sa imbestigasyon ng Pulisya at sa pahayag ng nanay ng biktima, hindi totoo na unang napaulat na sinira ng isang lalaki ang pinto ng kanilang bahay saka pinasok sa kuwarto ang katorse anyos na estudyante at binaril sa mukha.
Sinabi ng ina ng biktima na wala siya sa kanilang bahay nang mangyari ang krimen at nalaman niya sa iba niyang mga anak na ang bente uno anyos na kuya ng mga ito ang responsable sa insidente.
Iginiit naman ng ginang na aksidenteng pumutok ang baril at tumama ang bala sa anak na babae na noo’y nagmo-module.
Aniya, ang mga kapitbahay nila ang gumawa ng kwento para pagtakpan ang krimen na ginawa ng kanyang anak na hanggang ngayon ay tinutugis pa ng mga otoridad.