23 October 2025
Calbayog City
National

Goitia, pinuri ang hakbang ng DepEd: Pagtuturo ng Kaalaman ng Ating Karagatan, Kakambal ay Pagpapatibay ng Bansa

PINURI ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang plano ng Department of Education (DepEd) na isama sa kurikulum ng mga mag-aaral ang aralin tungkol sa West Philippine Sea (WPS). Ayon sa kanya, ito ay “matalino at makabayang hakbang para palakasin ang kamalayang pambansa.”

“Hindi mo maipagtatanggol ang isang bagay na hindi mo alam,” ani Goitia. “Kapag itinuro natin sa mga bata ang tungkol sa West Philippine Sea (WPS), hindi lang heograpiya ang itinuturo natin kundi maging ang pagtuturo ng pagmamahal sa bayan.”

Kamakailan, namataan ang mga barko ng China na lumapit nang mapanganib sa Pag-asa (Thitu) Island at gumamit ng water cannon laban sa mga barkong Pilipino na nagpapatrolya sa lugar. Noong Hunyo ng nakaraang taon, ilang sundalong Pilipino naman ang nasugatan sa Second Thomas Shoal matapos sakyan at atakehin ng China Coast Guard — bagay na kinondena ng Estados Unidos, European Union, at iba pang bansa bilang malinaw na paglabag sa soberanya ng Pilipinas. Ilan lamang ito sa mga insidenteng nagpapakita ng patuloy na panggigipit at agresibong kilos ng China sa ating karagatan.

Edukasyon Bilang Depensa ng Bayan

Para kay Goitia, ang silid-aralan ay isa ring linya ng depensa ng bansa. Aniya, ang maling impormasyon ay kasing delikado ng anumang banta mula sa labas.

“Nagpapakalat ang China ng mga kasinungalingan para bigyang-katwiran ang kanilang mga pag-angkin sa ating karagatan. Dapat itong tapatan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng katotohanan,” paliwanag niya. “Kapag alam ng mga estudyante ang tungkol sa 2016 Arbitral Ruling at sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ), magkakaroon sila ng totoong kaalaman at malasakit sa tunay na pag-aari ng sambayanang Pilipino.”

Idinagdag ni Goitia na hindi lang ito tungkol sa kasaysayan, kundi sa paghubog ng mga kabataang magmamalasakit sa bayan.

“Ang soberanya ay hindi lang salita,” aniya. “Ito ay kabuhayan ng ating mga mangingisda, likas na yaman ng bansa, at dangal ng bawat Pilipino.”

Binigyang-diin din niya ang pagbibigay ng suporta sa mga guro sa pamamagitan ng tamang kagamitan at pagsasanay.

“Ang mga guro natin ang kinakailangang mas may kaalaman dahil sila ang nakaumang sa harap ng laban na ito. Kailangan nila ng mga mapa, materyales, at tamang gabay — hindi lang mga leksiyon kundi inspirasyon.”

Pagtuturo ng Katotohanan, Pagbubuo ng Pagkakaisa

Paalala ni Goitia, nagiging mapanganib ang kasinungalingan kapag ito’y inuulit nang inuulit hanggang magmistulang totoo. Aniya, ang edukasyon ang pinakamabisang sandata laban dito sapagkat ito ang humuhubog ng kamalayan, mapanuring pag-iisip, at tibay ng loob ng kabataan.

“Kapag alam ng mga bata ang katotohanan, mas mahirap silang malinlang at mas madali silang magkaisa.”

Ayon pa sa kanya, ang hakbang ng DepEd ay higit pa sa pagbabago ng kurikulum; ito ay hakbang tungo sa mas matatag na pagkakakilanlan bilang isang bansa.

donna cargullo

Chief News Correspondent
A passionate Mom of Three Kids, A Hands-on Loving Wife to Junmar. A top caliber News Producer who worked previously from Different News Organizations based in Manila like Radyo Inquirer & RMN Manila. Currently one of the producers of BuenaMano Balita & at the same time the Chief Correspondent of IR Calbayog.