TINAWAG ni Senador Erwin Tulfo ang kontratistang si Sarah Discaya bilang “Flood Control Queen.”
Kasabay nito, iginiit ni Tulfo na dapat kasuhan ng Plunder ang mga sangkot sa maanomalyang Flood Control Projects upang makasama na ang tinaguriang “Pork Barrel Queen” na si Janet Lim-Napoles sa loob ng kulungan.
Sinabi ng senador na mas masahol pa sa Pork Barrel Scam ang mga anomalya sa Flood Control Projects.
Paliwanag ni Tulfo, sa Pork Barrel Scam, umaabot lamang sa daan-daang milyon o higit isang bilyong piso ang halagang sangkot kada kontratista, pero sa Flood Control Projects, daang bilyong piso ang pinaghihinalaang sangkot at tinatayang nasa labinlimang kontratista ang dawit.
Dagdag pa ng mambabatas, kung sa Pork Barrel Scam ay 15% lamang ang hinihinging komisyon, sa Flood Control Projects ay lumilitaw na umaabot ito sa 30%.




