PATULOY na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang mga napaulat na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa ilang bansa sa Asya.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, ang kasalukuyang Case Fatality Rate ng COVID-19 sa Pilipinas ay 1.13% o isa kada isangdaan ang namamatay.
Sinabi ni Herbosa na bumaba na ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa mula Enero hanggang Mayo 3, 2025 kung ikukumpara noong 2024.
Sa nasabing petsa, nakapagtala ng 1,774 na COVID-19 cases sa bansa o 87 percent na mas mababa kumpara sa naitalang kaso sa parehong petsa noong 2024.
Sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo ay nakapagtala din ng pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Noong March 23 hanggang Apr. 5, 2025 ay nakapagtala ng 71 cases habang bumaba ito sa 65 cases noong Apr. 6 hanggang Apr. 19, 2025.
Sa kabila nito patuloy ang paalala ng DOH sa publiko na maging maingat upang makaiwas sa COVID-19 o sa kahit anong sakit lalo na dahil sa pabago-bagong panahon.
Kabilang sa mga pag-iingat na maaaring gawin ang mga sumusunod:
– magsuot ng face mask
– manatili sa bahay kung may sakit
– takpan ang bibig at ilong kung uubo o babahing
– regular na maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon
– agad magpakonsulta sa doktor kapag nakaranas ng sintomas