Kabuuang isandaan limampu’t pitong mga dayuhan at dalawampu’t siyam na mga Pilipino ang nasagip sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pampanga, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ni-raid ng pinagsanib na pwersa ng PAOCC at PNP ang POGO complex sa kahabaan ng Friendship Highway sa Angeles City kung saan nailigtas ang isandaan walumpu’t anim na indibidwal.
Sinabi ng PAOCC na nag-ugat ang kanilang operasyon mula sa warrant na inilabas ni Presiding Judge Maria Belinda Rama ng Malolos Regional Trial Court Branch 14 laban sa mga opisyal at tauhan ng Lucky South 99.
Inisyu ang warrant kasunod ng natanggap na report ng PAOCC kung paano dinala ang isang babaeng banyaga para sa prostitusyon habang ang mga lalaki naman ay tino-torture.
Inihayag ng komisyon na lahat ng foreign nationals ay sumasailalim na sa immigration biometrics.