PINALAWAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Eastern Visayas ang implementasyon ng “Tara, Basa!” Tutoring Program upang masaklaw ang mas maraming lugar ngayong 2025.
Mula sa napagsilbihang 1,981 struggling learners noong nakaraang taon, itinaas ito sa 5,040 non-readers sa Samar at sa mga lungsod ng Tacloban at Ormoc.
Iniakyat naman sa 1,508 ang bilang ng mga tutor ngayong taon mula sa 375 noong nakaraang taon.
Mahigit limanlibong mga magulang din ang lalahok sa programa ngayong 2025 mula sa 1,977 noong 2024.
Sa ilalim ng programa, ang mga qualified college students mula sa low-income families ay ide-deploy bilang tutors at youth development workers para magsagawa ng reading tutorials para sa mga mag-aaral na hirap o hindi marunong magbasa, at maglunsad ng sessions para sa mga magulang ng mga bata.
Bilang kabayaran sa kanilang serbisyo, makatatanggap sila ng arawang bayad na katumbas ng umiiral na minimum wage na 435 pesos sa rehiyon sa loob ng dalawampung araw, mula May 19 hanggang June 20, 2025.