Isandaan pitumpu’t siyam ang nasawi nang sumabog at masunog ang isang eroplano matapos sumalpok sa pader sa Muan International Airport sa South Korea.
Ayon sa report, nangyari ang trahedya habang papalapag ang Jeju Air Flight 7C2216 na may lulang isandaan pitumpu’t limang pasahero at anim na crew mula sa Bangkok, Thailand.
Dalawa ang nakaligtas sa trahedya na kapwa flight crew members.
Sa video na ibinahagi ng local media, makikitang lumapag at dumulas sa runway ang eroplano nang walang landing gear bago sumalpok sa pader saka nagkaroon ng pagsabog at nilamon ng apoy ang eroplano.
Sa impormasyon mula sa transportation ministry, ang mga pasahero ay kinabibilangan ng dalawang Thai nationals habang ang natitira ay pinaniniwalaang South Koreans.