PATAY ang isang pulis matapos umanong pagnakawan ang isang convenience store sa Bulacan, ayon sa Police Regional Office Central Luzon (PRO-3).
Sa statement, inihayag ng PRO-3 na hinoldap ng suspek na nakasuot ng pulang jacket ang tindahan sa Barangay Sta Rosa I sa Marilao, at tinangay ang 20,000 pesos na cash saka tumakas lulan ng motorsiklo patungong Barangay Loma De Gato.
Natunton ng mga awtoridad ang kawatan sa isang subdivision at tinangkang arestuhin subalit sa halip na sumuko ay pinaputukan nito ang mga pulis kaya napilitan silang gumanti.
Natamaan ang suspek ng bala kaya isinugod ito sa pinakamalapit na ospital para malapatan ng lunas subalit kalaunan ay binawian din ito ng buhay.
Kinilala lamang ng PRO-3 ang suspek bilang miyembro ng Law Enforcement Community, subalit sa police report na ipinadala sa mga mamamahayag, isang police captain ang suspek na naka-assign sa Caloocan City Police Station.




