6 July 2025
Calbayog City
National

Publiko pinag-iingat ng DepEd sa paglaganap ng Fake News tungkol sa “No Backpack Policy,” “Class Suspension,” at “Cash Assistance”

KASABAY ng pagsisimula ng klase para sa School Year 2025-2026 ay laganap din ngayon sa social media ang napakaraming Fake News na may kaugnayan sa edukasyon.

Inabisuhan ng Department of Education (DepEd) ang publiko na maging maingat sa mga nababasa sa social media at huwag itong basta-basta ibahagi.

Kabilang sa tinukoy ng DepEd na Fake News ang ipinakakalat na umano ay Cash Assistance para sa mga mag-aaral elementarya, junior at senior highschool at kolehiyo.

Peke din ang ipinakakalat na impormasyon tungkol sa P7,000 Cash Assistance kapalit ng Drug Test para sa mga nasa senior highschool at college.

Maging ang kumakalat na pagpapatupad ng “No Backpack Policy” sa senior highschool at college ay walang katotohanan ayon sa DepEd.

Dagdag pa ng DepEd hindi rin dapat basta-basta paniwalaan ang mga “Walang Pasok” post sa online.

Muling pinaaalalahanan ng DepEd ang publiko na mag-ingat at maging mapanuri sa mga impormasyong nababasa online.

Para sa opisyal na mga anunsiyo at impormasyon tungkol sa Basic Education, bisitahin lamang ang Official DepEd Philippines Social Media Accounts.

donna cargullo

Chief News Correspondent
A passionate Mom of Three Kids, A Hands-on Loving Wife to Junmar. A top caliber News Producer who worked previously from Different News Organizations based in Manila like Radyo Inquirer & RMN Manila. Currently one of the producers of BuenaMano Balita & at the same time the Chief Correspondent of IR Calbayog.