IBINABA ng Department of Agriculture (DA) ang presyo ng bigas sa ilalim ng Rice for All Program, mula sa P40 patungo sa P38 per kilo na lamang.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ito ay para sa presyo ng 25% broken rice variety na ibinebenta sa ilalim ng nasabing programa.
Magiging epektibo ang bagong presyo araw ng Biyernes (Jan. 17) ilang araw bago ang implementasyon ng maximum suggested retail price (MSRP) na P58 per kilo para naman sa 5% broken imported rice.
Ang presyuhan para sa Rice for All Program ay sasailalim sa review kada buwan para mai-adjust base sa global market prices at tariff rates.
Sa ilalim ng naturang programa, may ibinebenta ring 5% broken grains na ang presyo ay P45 per kilogram, at 100% broken variety o “Sulit Rice” sa halagang P36 per kilogram. (DDC)