NASA stable na kondisyon si Pope Francis na mahigit dalawang linggo nang nasa ospital dahil sa double pneumonia, at walang naranasan pang breathing crises, ayon sa Vatican.
Noong Biyernes ay nakaranas ang walumpu’t walong taong gulang na Santo Papa ng paninikip ng respiratory airways, na posibleng dulot ng asthma attack, kaya marami ang nag-alalang muli sa kanyang kalagayan.
Inihayag ng Vatican noong Sabado na walang lagnat si Pope Francis at walang senyales na tumaas ang kanyang white blood cell count.
Maayos rin daloy ng kanyang dugo at nananatiling stable ang sirkulasyon.
Gayunman, sinabi ng Vatican na mahigpit pa ring binabantayan ang prognosis ng Holy Father, na ang ibig sabihin ay hindi siya tuluyang ligtas sa panganib.