NAMATAAN ang pinakamalaking Coast Guard Ship sa buong mundo na pag-aari ng China na naglalayag malapit sa Ayungin Shoal, kung saan matatagpuan ang maliit na Military Outpost na BRP Sierra Madre.
Kilala rin sa tawag na “The Monster,” dumaan malapit sa BRP Sierra Madre ang 12,000-ton China Coast Guard (CCG) Vessel na may bow number 5901, ayon sa post ng Maritime Defense at Security Expert na si Ray Powell sa kanyang X account.
Ibinahagi rin ni Powell ang litrato ng galaw ng barko na nasa 18 knots, na-track ng satellite, dakong alas nueve ng umaga kahapon.
Una nang inihayag ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela, sa pamamagitan din ng X, na walang dapat ikabahala ang China sa presensya ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, dahil ang barko ay matatagpuan sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.