ISANG Pilipinong miyembro ng Israel Defense Forces (IDF) ang nasawi sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng Israeli troops at Hamas militants, ayon sa Israel Embassy sa Pilipinas.
Kinumpirma ng embahada, isa si Sergeant First Class Cydrick Garin sa dalawampu’t isang IDF soldiers na nasawi sa pagpapasabog ng Hamas sa Gaza noong Lunes.
Ayon sa Israel Embassy, parehong pinoy ang mga magulang ni Garin, kung saan ang kanyang ina ay tubong Isabela na naninirahan na ngayon sa Tel Aviv habang ang kanyang ama ay mula sa General Santos City.
Idinagdag ng embahada na inaayos na nila ang pagtungo ng ama ni Garin sa Israel upang makita sa huling pagkakataon ang pumanaw na anak.