Pupulungin ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez ang lahat ng Philippine Consuls sa susunod na buwan.
Ito’y para talakayin ang posibleng tulong para sa Undocumented Filipinos na nanganganib mapa-deport sa ilalim ng papasok na Trump Administration.
Sinabi ni Romualdez na ang “planning session” kasama ang lahat ng pitong konsulado sa disyembre, ay sesentro sa mga posibleng plano para sa daan-daang libong Pilipino na iligal na nananatili sa US.
Gaganapin ang naturang pulong, isang buwan bago ang pagbabalik ni Donald Trump sa White House sa Enero.
Ang Pilipinas ay mayroong consulates sa Agana sa Guam, Chicago, Honolulu, Houston, Los Angeles, New York, at San Francisco.
Idinagdag ng envoy na hinihintay din niya ang ilalabas na direktiba ng malakanyang at ng Department of Migrant Workers kung paano tutulungan ang Filipino Immigrants.