PIRMADO na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas na mas magbibigay-ngipin para labanan ang agricultural economic sabotage.
Sa seremonya sa Malakanyang kahapon, nilagdaan ng Pangulo ang Republic Act No. 12022 na magpapataw ng mas mabigat na parusa at multa sa smugglers, hoarders, profiteers, at mga cartel ng agricultural products, na ang mga iligal na aktibidad ay nakaa-apekto sa food security at presyo ng mga bilihin.
Ang bagong batas ang nagpawalang-bisa at pumalit sa Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, para sa mas komprehensibo at mas mahigpit na implementasyon.
Sa kanyang talumpati, inihayag ng pangulo na ang economic sabotage ay ituturing nang isang non-bailable offense na may kaakibat na habambuhay na pagkabilanggo, at multang limang beses nang halaga ng nasabat na mga produkto.